Sunday, March 10, 2019

Ugali Noon, Trip na lang Ngayon


“Mano po itay, mano po inay.”
Iyan ang madalas na sabihin at gawin ng mga kabataan noon sa kanilang mga magulang kung madadatnan nila ang kanilang ina't ama na nasa tahanan o kaya naman ay dumating sila mula sa trabaho. At hindi lamang ito ginagawa at sinasabi sa mga magulang, kundi pati rin sa mga lolo at lola, tito at tita, o sino pa mang mas nakatatanda.
Para sa mga magulang, isa ito sa mga pinakamasarap na marinig mula sa kanilang mga anak. Ito ang nagpapakita ng paggalang ng kanilang mga anak sa kanila. Isa rin ito sa nagpapakita na ang relasyon nila bilang magkapamilya ay mayroon at matibay pa rin.
Ngunit sa panahon ngayon, ang pagmamano ay isinasagawa na lamang ng ilan sa mga batang Pinoy. Ang dating nakasanayang gawain natin at isa sa mga rason kung bakit kilala ang tradisyon at kaugaliang Pilipino sa ibang bansa ay unti-unti nang kumukupas dahil na rin sa pagbabago ng panahon at impluwensya ng ibang bata.
May mga pagkakataon na kailangan pang sabihin sa atin na magmano tayo bago natin ito isagawa. May mga pagkakataon pa nga na ang mga sinasabihan pa ang nagagalit. Ito ay dahil sa iniisip nila na ang pagmamano ay hindi na kailangang gawin dahil wala raw itong kwenta, masyadong makaluma, o kaya naman ay nawawala na talaga ang kanilang paggalang sa nakatatanda.
Pero kahit ganito pa man ang sitwasyon, maaari pa rin natin itong maituwid, lalo na ng mga batang gaganap sa susunod na henerasyon. May iba't ibang paraan upang ang kaugaliang ito ay maipasa pa.
1. Ang ilan sa magulang natin ay sinasabihan tayo ng, “Anak, pagtanda mo, ituro mo ito sa mga apo ko ha.” Isa ito sa mga magagandang paraan para magabayan ang ating mga anak, at maging mga apo, para sa kanilang hinaharap. Sa murang edad pa lamang ay naitutwid na sila at natuturuan kung paano nga ba nila mapapalaki nang tama at wasto ang kanilang mga magiging anak.
2. Normal sa ina o ama na pagsabihan ang kanilang mga anak. Sinasabi kung ano ang tama at kung paano ito naging tama, at ang mali't kung paano ito naging mali. Isa na rito ang pagmamano at ang kahalagahan nito. Maganda na hangga't kaya pa natin na sila ay magabayan ay ginagawa na natin ang dapat.
3. Kung sa pagkabata pa lamang ay napapansin na natin na iba ang kanilang pag-akto sa dapat na gawin nila, nararapat lang na ituwid na natin sila. Kung hindi sila nagmamano ay dapat na silang turuan.
Sa panahon ngayon, mas nananaig na ang mga kaugaliang banyaga kaysa sa sariling atin. Ngunit kung nais nating mapanatili natin ang mga ito, dapat natin itong ipasa sa susunod pa na henerasyon.

No comments:

Post a Comment