Mga pista. Ang mga ito ang hinihintay-hintay, lalo na rito sa Pilipinas kung saan napakarami ng mga ito. At tuwing may pista, siyempre ay may katuwaan, kainan, at iba pang masasaya at magagandang pangyayari at gawain.
Ngunit sa kabila nito, may mga nakasasama at negatibo ring epekto ang mga pista sa mga lugar kung saan ginaganap ang mga ito.
Kamakailan lang ay ginanap ang Grand Float Parade at Street Dance Parade sa Lungsod ng Baguio para sa Panagbenga Festival. Maraming turista ang nagpunta sa lungsod para lamang matunghayan ang magarbong pista.
Pero pagkatapos naman nito ay naglipana ang mga kalat sa Session Road kung saan ginanap ang mga parada. Matapos panoorin ang dalawang parada ay sinira naman ang ganda ng lungsod at dinumihan pa ito. Ganito rin ang nangyari noong nakaraang taon at sa iba pang nakaraang pista.
Bago pa man magsimula ang Panagbenga ay pinaalalahanan na ang mga bibisita sa lungsod na magkaroon ng disiplina pagdating sa kanilang mga basura at pangalagaan ang ganda at kalinisan ng lungsod mula pa sa mismong pamahalaan nito.
Ngunit sa bandang huli ay nanaig pa rin ang tigas ng ulo at maling pag-iisip ng nakararami sa mga turista. Pati ang ilan sa mga mismong mamamayan ng lungsod ay nakisama sa kanila. Kaya naman nang matapos ang mga parada ay maraming nilinisan ang mga streeet sweeper kung saan-saan.
Ito ay taliwas sa pagkakakilala sa atin ng iba na may galang at marunong sumunod sa iba.
Pero sa kabila nito, may mga sumunod pa rin naman kahit iilan lang. May mga turistang nagtapon ng basura sa dapat na kalagyan ng mga ito at hindi ginaya ang nakararami. Mas pinairal nila ang kanilang disiplina at ginalang ang lungsod. Kaya naman malaki ang pasasalamat ng mga taga-lungsod para rito.
Sa susunod pang mga pista ay hindi pa rin maiiwasan na mauulit pa rin ang ganitong klase ng pangyayari, ngunit inaasahan pa rin na mababawasan na ang mga kalat na iiwan ng mga turista sa susunod. At para maisakatuparan ito, kailangang mas pairalin na nila ang kanilang disiplina at maging mas mahigpit pa ang lokal na gobyerno sa pagpapatupad ng mga patakaran sa lungsod.
No comments:
Post a Comment